Calendar
NE cops tiniklo 2 suspek sa pagbebenta ng boga, bala
LLANERA, Nueva Ecija–Dalawang suspek sa pagbebenta ng baril noong Lunes ang inaresto ng pinagsanib na pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group, Nueva Ecija Provincial Field Unit at Llanera police sa Purok 2, Brgy. Mabini sa bayang ito.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Noli, 45; at Dici, 35.
Nasamsam mula sa mga suspek ang dalawang 12-gauge shotgun, isang magazine assembly para sa 12-gauge shotgun, apat na bala, marked money at boodle money na ginamit sa operasyon.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition), ayon kay CIDG RFU 3 chief Col. Grant Gollod.
Isinagawa ang pag-aresto sa ilalim ng Oplan Paglalansag Omega, isang project ng CIDG na naglalayong supilin ang ilegal na pagmamay-ari at bentahan ng mga baril at bala.

