NHA

NHA namigay ng P31.95M tulong sa Talisay, Danao

Jun I Legaspi Jul 19, 2026
105 Views

NAMAHAGI ang National Housing Authority (NHA), sa pangunguna ni General Manager Joeben Tai, ng P31.95 milyong tulong sa 3,195 pamilya sa dalawang seremonya sa Talisay at Danao, Cebu.

Ayon kay GM Tai, hangad ng cash aid mula sa Emergency Housing Assistance Program (EHAP) na mapagaan ang mga gastos sa pagsasaayos ng mga nasirang tahanan ng mga pamilya.

“Sa direktiba ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., makakaasa po kayo na patuloy ang pagsisikap ng NHA na magpaabot ng tulong pinansyal sa bawat pamilyang naapektuhan ng sakuna at kalamidad,” pahayag ni GM Tai.

Ayon naman kina NHA Region VII Manager Engr. Hermes Jude Juntillo at Cebu District Officer-in-Charge Engr. Dante Estrobo, tumanggap ang bawat pamilya-benepisyaryo ng P10,000 sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng ahensya.

Sa kabuuang bilang ng mga pamilyang nakatanggap ng ayuda, 1,519 ang mula sa Talisay City habang 1,547 ang mula sa Danao City at 129 ang mula sa Carmen.

Pinalawak ng NHA ang mga serbisyong pabahay sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal para sa mga biktima ng kalamidad upang matulungan silang muling maitayo ang kanilang mga tahanan.

Bukod sa bagyo, saklaw rin ng EHAP ang iba pang natural at man-made na mga sakuna tulad ng lindol, sunog, at pagbaha.

Ang NHA ay isang attached agency ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).