Bulkang Mayon Larawan: PHIVOLCS

Pag-aalburuto ng Bulkang Mayon nasa ika 194 araw na

125 Views

PATULOY ang pag-aalburuto ng Bulkang Mayon matapos maitala ang pagdaloy ng lava at Strombolian activity sa bunganga nito noong gabi ng Hulyo 17, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Sa inilabas na mga larawan ng PHIVOLCS, makikita ang pagbuga ng kumikinang na lava sa summit crater mula alas-9:30 hanggang alas-11:30 ng gabi. Ayon sa ahensya, umabot na sa ika-194 na magkakasunod na araw ang nagpapatuloy na effusive eruption ng bulkan.

Patuloy ding nagbubunga ang aktibidad ng Mayon ng incandescent lava flows, pyroclastic density currents o “uson,” at mga pagguho ng bato sa mga dalisdis ng bulkan.

Nanatiling nakataas ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon, kaya mahigpit na ipinagbabawal ng PHIVOLCS ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa banta ng biglaang pagbuga ng abo, pagdaloy ng lava, pyroclastic density currents at iba pang mapanganib na volcanic hazards.