Calendar
Ugnayan sa LTO, stakeholders sa Siargao pinalakas ni Viado
BUMALIK si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Viado sa Siargao upang palakasin ang pakikipag-ugnayan ng BI sa mga lokal na pamahalaan, Land Transportation Office (LTO) at mga stakeholder sa turismo.
Layunin ng hakbang na isulong ang responsableng turismo, palakasin ang kaligtasan ng publiko, at tiyakin ang pagsunod sa batas ng imigrasyon ng Pilipinas.
“Nakikita na natin ang magagandang resulta ng mas matibay na ugnayan ng BI, LGU, mga ahensyang pang seguridad at ng komunidad.
Ang susunod na hakbang ay gawing institusyonal ang kooperasyong ito upang maging tuloy-tuloy na bahagi ng pangangalaga sa Siargao, sa mga residente, at sa mga bisita,” ani Viado.
Magsasagawa ang BI ng mga capacity-building seminar ngayong buwan para sa LGU, mga opisyal ng turismo, barangay, law enforcement agencies, at iba pang frontline partners. Tatalakayin dito ang mga batas sa imigrasyon, tamang proseso ng case referral, pagkilala sa posibleng paglabag, at epektibong inter-agency coordination.
“Ang pinaka mabisang pagpapatupad ay nagsisimula sa mga partner na may sapat na kaalaman,” ayon kay Viado.
Iminungkahi ni LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao ang mas malapit na koordinasyon ng LTO at BI upang palakasin ang pagpapatupad ng batas-trapiko sa mga dayuhang motorista sa Siargao.
Layunin nitong tugunan ang mga paglabag gaya ng pagmamaneho ng walang lisensya, reckless driving at pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng alak o droga.
Sa pamamagitan ng tamang case referral at pagbabahagi ng impormasyon, titiyakin ng LTO at BI na ang mga dayuhang paulit-ulit na lumalabag sa batas ay masusunod sa tamang legal at immigration processes, habang pinananatiling ligtas ang mga kalsada ng Siargao para sa lahat.
Binigyang-diin ni Viado na nananatiling patas, propesyonal at hindi diskriminatori ang pagpapatupad ng BI sa mga batas ng imigrasyon.
“Kilala tayong mga Pilipino sa init ng pagtanggap at pagiging magiliw sa ating mga panauhin,” sabi ni Viado.

