Calendar
SOURCE: Larawan mula sa FB/PNP-CIDG
NO. 1 MOST WANTED SA MIMAROPA, TIMBOG SA UMANO’Y PANGGAGAHASA SA STEPDAUGHTER
Arestado ang isang lalaki na itinuturing na No. 1 Regional Most Wanted Person sa MIMAROPA matapos maaresto sa Taytay, Palawan kaugnay ng umano’y panggagahasa at sekswal na pang-aabuso sa kanyang menor de edad na stepdaughter.
Naaresto ang suspek bandang alas-6:00 ng gabi noong Agosto 11 sa isinagawang manhunt operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Palawan Provincial Field Unit at Taytay Municipal Police Station.
Isinagawa ang pag-aresto batay sa warrant na inilabas ng korte sa Taytay noong Hulyo 23, 2026 para sa dalawang counts ng Qualified Rape of a Minor, na walang inirekomendang piyansa, at dalawang counts ng Rape by Sexual Assault na may inirekomendang piyansang ₱120,000.
Batay sa ulat ng CIDG, umano’y paulit-ulit na inabuso ng suspek ang kanyang menor de edad na stepdaughter sa magkakahiwalay na pagkakataon habang nasa kanilang bahay sa Taytay.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang suspek para sa kaukulang proseso. Patuloy namang isinasagawa ang mga hakbang ng CIDG upang matiyak ang pananagutan ng mga nahaharap sa kasong pang-aabuso, lalo na laban sa mga kababaihan at mga bata.
