Calendar
OFW Party List ikinalungkot insidente ng pamamaril sa Tacloban
NAGPAHAYAG ng kalungkutan si dating OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino kaugnay sa naganap at karumal-dumal na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na kumitil sa buhay ng mga maraming estudyante at ikinasugat naman ng iba pang mag-aaral.
Ang itinuturong dahilan o anggulo ng nangyaring insidente sa naturang paaralan ay ang di-umano’y kaso ng pangbu-bully sa dalawang estudyante na itinuturong salarin sa naganap na pamamaril na nagtulak naman sa kanila para gawin ang madugong krimen laban sa mga kapwa nila mag-aaral na umagrabyado sa kanila.
Dahil dito, sinabi ni Magsino na sana ay magsilbing “eye opener” hindi lamang para sa pamunuan ng San Jose National High School ang naganap na insidente. Bagkos, pati narin sa mga magulang para magabayan at mapangaralan ang kanilang mga anak, habang kailangang mas higpitan ang pagpapatupad ng mga alituntunin laban sa kaso bullying sa nasabing paaralan.
Ikinalungkot ng dating Party List Lady solon na sa kabila ng umiiral na batas laban sa bullying sa loob ng mga paaralan. Tila, hindi parin aniya nasasawata ang mga ganitong kaso sa pribado o pampubliko man eskuwelahan. Kung saan, mas lumalala pa nga umano dahil nauwi na sa karahasan ang pambu-bully ng mga estudyante sa kanilang kapwa mag-aaral.
Ibinahagi din ni Magsino na ang mga kaso ng bullying at issue ng mental health para sa mga kabataang estudyante ang isa sa mga adbokasiyang isinusulong ng OFW Party List dahil may mga kaso na ang anak ng ilang kababayan nating Overseas Filipino Workers (OFWs) ang nakakaranas ng pambu-bully sa pinapasukan nilang paaralan habang ang iba naman ay nagkakaroon ng matinding depression o mental health issue dahil sa panggigipit (bullying) ng mga kapwa nila mag-aaral.
“Nakakalungkot ang ganitong pangyayari. Sana wala ng mangyari pang ganitong insidente kasi ang kawawa dito ay ang mga magulang na nawalan ng anak dahil sa karahasan. Kaya ito ay dapat na magsilbing eye opener na sana ay aksiyunang mabuti ng mga paraalan ang mga kaso ng bullying sa kanilang eskuwelahan. Kailangan ang mas mahigpit na policy,” ani Magsino.
Nagpaabot narin ng pakikiramay si Magsino para sa mga naulilang pamilya ng mga nasawing estudyante. Kung saan, sinabi nito na ang paaralan ay dapat sanang maging lugar para sa pagkatuto, kaligtasan at pag-asa para sa mga estudyante. Kung kaya’t ang pagkawala ng mga batang buhay sa loob ng isang kampus ay magdudulot ng sugat para sa buong komunidad ng Tacloban.
Sinusuportahan din ni Magsino ang panawagan para sa mas malalim na imbestigasyon kaugnay sa kaso ng pamamaril upang tuluyan ng malaman ang tunay na dahilan sa naganap na insidente.

