Calendar
PCG-Houston pinagtibay pakikipagtulungan sa mga PH nurses sa South Texas


SAN ANTONIO, Texas — Muling pinagtibay ng Philippine Consulate General sa Houston ang matatag nitong pakikipagtulungan sa komunidad ng mga Pilipinong nars sa South Texas sa pagdalo nito sa taunang gala at officer induction ng Philippine Nurses Association of San Antonio (PNASA).
Si Consul Tanya Gaurano ang kumatawan sa Konsulado sa nasabing okasyon, kung saan ipinaabot niya ang mataas na pagkilala sa PNASA sa pagtataguyod nito sa kapakanan, propesyonalismo, at pagkakaisa ng mga Filipino-American nurses at ng buong komunidad ng mga Pilipino sa San Antonio.
Pormal na nairaos ang panunumpa ng bagong Executive Board ng PNASA sa pamumuno ng bagong halal na Pangulo na si Dr. Exequiel Naculangan, Jr.
Ang seremonya ay pinangunahan ni Dr. Riza Mauricio, ang kasalukuyang Bise Presidente ng Philippine Nurses Association of America (PNAA) South Central Region.
Dumalo rin si San Antonio Mayor Gina Ortiz Jones bilang panauhing pandangal at binanggit ang mga kritikal na papel ng mga nars bilang mga “frontliners” na patuloy na nagbabantay sa kalusugan at kaligtasan ng buong lungsod at ng mga karatig-lugar nito.
Ibinahagi ni Mayor Jones ang kanyang pinagmulan bilang anak ng isang immigrant na Ilocana mula sa Pangasinan, na nagpapakita ng kanyang malalim na ugnayan sa kulturang Pilipino at sa komunidad na kinakatawan ng PNASA.
Bilang pagkilala sa mga katuwang sa tagumpay, iginawad din sa naturang gala ang Community Influence & Impact Awards at pinarangalan ang mga indibidwal at organisasyon na nagbigay ng suporta upang maisulong ng PNASA ang kanilang mga misyon sa mentorship, propesyonal na pag-unlad, at serbisyong pampubliko para sa Fil-Am nursing community.

