CALABARZON1

Seguridad sa mga paaralan sa CALABARZON hinigpitan ng PRO 4A

100 Views

CALABARZON

KAMPO VICENTE LIM, Calamba City, Laguna — Kasunod ng mga ulat ng karahasan sa ilang paaralan sa Cavite at Tacloban, agad na nag-deploy ang Police Regional Office 4A (PRO 4A) ng karagdagang puwersa upang paigtingin ang patrol at seguridad sa paligid ng mga unibersidad at eskwelahan sa buong rehiyon ng CALABARZON.

Layunin ng proaktibong hakbang na ito na tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, kawani, at mga magulang laban sa anumang banta.

Si PBGen Hansel M. Marantan, Regional Director ng PRO 4A, ang nanguna sa mga ‘school visitations’ at pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng mga pampubliko at pribadong paaralan.

“Bagaman ang mga nangyaring insidente kamakailan ay maaaring magdulot ng pag-aalala, tinitiyak namin sa ating mga estudyante, magulang, at guro na ang aming mga tauhan ay nananatiling alerto at nakatutok sa kanilang kaligtasan,” ani Marantan.

“Ang presensya ng pulisya sa mga paaralan ay malinaw na mensahe na ang seguridad ng kabataan ang ating nangungunang prayoridad,” dagdag pa ni Marantan.

Ang pinaigting na operasyong ito ay bahagi ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO), na sumasailalim sa Focused Agenda ng Chief PNP na si PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr. na naglalayong isulong ang mas malakas na pagpigil sa krimen sa tulong ng komunidad.

Kaugnay nito, nakiusap din ang pamunuan ng PRO 4A sa publiko na manatiling mapagbantay at agad na isumbong sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa loob at labas ng mga paaralan upang mapanatili ang kapayapaan at kapanatagan ng isip ng lahat.