Calendar
Online driver’s license renewal inilunsad ng LTO para sa Pinoys sa Japan
OSAKA, Japan — Sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na gawing mas mabilis at maginhawa ang lahat ng serbisyo ng pamahalaan sa pamamagitan ng digital shift, inilunsad ng Land Transportation Office (LTO), sa pamumuno ni Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II at sa gabay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang ikalawang yugto global launching ng online renewal ng driver’s license para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
Ayon kay Acting Assistant Secretary at LTO Chief Atty. Greg G. Pua, Jr., ang Online Driver’s License Renewal Serbisyo Caravan sa Osaka, Japan ay ang ikalawang global launching ng naturang online platform, na isinagawa sa pakikipagtulungan sa Department of Migrant Workers (DMW), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Foreign Affairs (DFA).
Noong Setyembre ng nakaraang taon, unang inilunsad ng LTO ang parehong programa sa Taiwan, kung saan mahigit isang libong OFW ang natulungan sa pag-renew ng kanilang expired o malapit nang mag-expire na driver’s license.
“Inaasahan nating mahigit isang libo sa ating mga kababayan sa Japan ang makikibahagi sa ating serbisyo caravan. Bahagi rin ng inisyatibong ito ang information drive kung saan tuturuan natin ang ating mga kababayan kung paano gamitin ang online platform para sa renewal ng kanilang lisensya,” ani Pua.
“Isa rin itong tuloy-tuloy na proseso ng pagsusuri sa mga karaniwang aberya upang mapabuti ang sistema, at ang feedback mula sa ating mga kababayan dito sa Osaka ay makatutulong sa amin upang makabuo ng pinakamainam na paraan para maging mabilis at maginhawa ang buong proseso,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Pua na kailangang maihanda at ma-upload muna ang mga kinakailangang dokumento sa sistema upang mapabilis ang proseso, partikular na ang medical certificate mula sa LTO-accredited telemedical facility at ang larawan ng nag-e-expire na lisensya.
Para makapag-renew ng lisensya, kailangang matugunan ng mga OFW ang mga sumusunod:
– May driver’s license na mag-e-expire sa loob ng 60 araw, o expired na ng hindi hihigit sa dalawang taon mula sa petsa ng expiration, at walang kailangang baguhin sa rekord ng lisensya;
– Maayos at matatag na koneksyon sa internet;
– Smartphone na may Apple AppStore o Google Play Store.
Kapag nabayaran na ng OFW ang renewal ng kanyang lisensya, agad itong ipi-print ng LTO at aabisuhan ang aplikante kapag handa na itong ipadala.
Paalala ni Pua sa mga OFW, mas mainam na gumamit ng mas malaking device gaya ng laptop o tablet para sa maayos na pagsasagawa ng telemedical exam, na maaaring matapos sa loob lamang ng 10 minuto.
Kapag kumpleto na ang lahat ng kinakailangan, maaari nang ipa-deliver ng OFW ang kanyang driver’s license sa pamamagitan ng LTO-accredited courier service.
Mula sa unang aplikasyon hanggang sa pagdating ng lisensya sa itinalagang address sa Japan, maaaring tumagal ng 3 hanggang 5 araw ang buong proseso.
Sa ilalim ng Bagong Pilipinas, sinabi ni Mendoza na target ng LTO na palawakin pa ang digital services sa iba’t ibang bahagi ng mundo sa lalong madaling panahon, partikular na sa Middle East, Estados Unidos, at Europa.

