Calendar
Tagumpay ni Pacquiao tagumpay din ng mga OFWs — Magsino
TAGUMPAY ni Pacquiao, tagumpay din ng mga OFWs.
Ito ang ipinahayag ni dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino kasunod ng kaniyang pagbati kay Pambansang Kamao ni Manny “Pacman” Pacquiao sa laban nito kay WBC welterweight champion na si Mario Barrios.
Bagama’t nauwi sa “draw” ang pakikipagsagupa ni Pacquiao sa lona. Gayunman, sinabi ni Magsino na ang tagumpay na nakamit ni Pacman ay tagumpay din ng bawat Overseas Filipino Worker (OFWs) sapagkat sumasalamin dito ang katangian ng mga Pilipino.
Ipinaliwanag ng dating OFW Party List solon na si Pacquiao ay repleksiyon ng katapangan, kagitingan at dangal ng bawat Pilipino kagaya ng libo-libong OFWs na matapang na nakikipag-sapalaran sa ibang bansa para sa kanilang pamilya.
Pagbibigay diin ni Magsino na hindi importante kung “majority draw” ang naging desisyon ng mga judges sa nasabing laban. Ang mahalaga aniya ay naipakita ni Pacquiao ang katangian ng mga Pilipino. Ito ay ang katapatangan at karangalan.
Dahil dito, hinihikayat ni Magsino ang mga OFWs na tularan ang tapang na ipinakita ni Pacquiao sa ibabaw ng lona sa pamamagitan ng pagiging matatag sa kabila ng mga pagsubok o mabibigat na suliraning dumarating sa kanilang buhay.
“Si Pambansang Kamao ang nagsisilbing inspirasyon para sa ating mga OFWs dahil sa tapang na ipinakita niya. Ito ang paghuhugutan ng ating mga kababayang OFWs para sila ay huwag basta sumuko sa mga problemang dumarating sa kanilang buhay. Laban lang,” sabi ni Magsino.
Sabi pa ni Magsino na kilala ang mga Pilipino bilang matapang at hindi basta-basta umaatras sa anomang laban. Kung kaya’t naniniwala ito na ganito rin ang ipapakita ng mga OFWs.

