Calendar
Opisyal ng Hungary nag-courtesy call kay Sotto
ISANG $33-milyon (humigit-kumulang P1.9 bilyon) na kasunduan sa Pilipinas para sa proyekto sa water treatment at desalination na layong mapabuti ang suplay ng malinis na tubig at mapalakas ang kakayahang umangkop sa epekto ng klima ang buong pusong ipagkakaloob ng bansang Hungary sa Pilipinas.
Ito ay naihayag sa ginawang courtesy call noong Oktubre 15 ni Hungarian National Assembly Speaker László Kövér kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa Senado. Ayon kay Kövér, nasa huling yugto na ang mga pag-uusap at “malapit nang mapirmahan ang kasunduan.” Gagamitin umano ang pondo para sa “water treatment, water cleaning at desalination.”
Malugod namang tinanggap ni Sotto ang panukala ng Hungary, na aniya’y mayaman sa freshwater kumpara sa Pilipinas na napalilibutan ng alat na tubig. “Tinatanggap natin ang kanilang alok na tumulong sa pagtatayo ng desalination plants,” sabi ni Sotto. Ipinagmalaki naman ni Kövér ang mahabang karanasan ng kanilang bansa sa water treatment, flood control, drought management, at sewer treatment.
Ang pagbisita ni Kövér—ang kauna-unahang ginawa ng isang Hungarian parliamentary speaker mula nang itatag ang diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa 52 taon na ang nakalilipas—ay nagpahayag din ng suporta sa mas matatag na ugnayan ng Pilipinas at European Union sa larangan ng ekonomiya at lehislatura.

