POGO

Overstarying Chinese national na POGO worker nagwala sa NAIA

49 Views

ISANG overstaying na babaeng Chinese na kabilang sa mga POGO workers na nagboluntaryong umalis ng bansa kasunod ng direktibang isara ang lahat ng POGO ang nagwala sa Ninoy Aquino Terminal 1, nitong Biyernes ng umaga.

Kinilala ang dayuhan na si Yafen Wun, na may Chinese passport.

Bigla na lamang umanong nagwala ang dayuhan sa pamamagitan ng paghahagis ng kanyang mga gamit sa departure area.

Humiga pa umano ito sa driveway ng lugar bago nagtangkang tumalon sa departure area.

Naagapan naman ito ng mga airport guards at iba pang law enforcers at agad na iniligtas ang dayuhan sa pananakit ng kanyang sarili.

Napag-alamman din na hindi pinayagan ang dayuhan na umalis ng bansa dahil nabigo itong magpresinta ng exit clearance.

Si Wun ay kabilang sa POGO workers na nagboluntaryong umalis ng bansa sa gitna ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos sa pagsasara ng lahat ng mga POGO operations.

Iginiit umano ni Wun sa pamamagitan ng isang interpreter na nais na niyang umalis subalit hindi siya makakuha ng exit clearance dahil wala siyang sapat na pera.

Nahaharap naman ngayon sa kasong public scandal ang dayuhan at nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa Chinese Embassy.