Shabu1

P379K na shabu nakuha sa arestadong drug suspek

Steve A. Gosuico Dec 20, 2025
160 Views

SAN ANTONIO, Nueva Ecija–Timbog ang 43-anyos na babae na itinuturong sangkot sa pangangalakal ng ilegal na droga nang mahuli na may dalang shabu na may halagang P379,000 noong Sabado sa bayang ito.

Residente ng Brgy. Tikiw ng bayang ito ang nahuli, ayon sa ulat ng hepe ng pulisya na si Major Ricardo Salomon kay Nueva Ecija police chief P/Col. Heryl Bruno.

Hinuli siya bandang alas-4:00 ng umaga matapos ibenta ang plastic sachet na naglalaman ng shabu sa undercover na pulis.

Bukod sa iba’t-ibang drug paraphernalia at buy-bust money, nakumpiska mula sa suspek ang limang plastic sachet at isang bag na naglalaman ng 55 gramo ng shabu at nagkakahalaga ng P379,000.

Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na isasampa laban sa suspek.

“Ang matagumpay na operasyong ito ay nagpapakita ng aming patuloy na pangako sa isang ligtas na Nueva Ecija,” sabi ni Bruno.