Cebu1

Pagkain, tubig, tent pangunahing kailangan ng 26K displaced na pamilya sa Cebu

166 Views

CEBU CITY – Kabuuang 209,972 pamilya o 372,513 indibidwal sa lalawigan ng Cebu ang naapektuhan ng lindol na may lakas na 6.9 magnitude noong Setyembre 30, ayon sa Situation Report No. 11 umaga ng Linggo.

Sa bilang na ito, 26,140 pamilya o 5,270 indibidwal ang nawalan ng tirahan.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang mga pangunahing pangangailangan ng mga apektado ay pagkain at malinis na inuming tubig, modular tents at shelter materials, hygiene kits at mga suplay na medikal, at mga water tanker at generator.

Nagpadala na ang Provincial Health Office ng mga pasilidad para sa WASH o Water, Sanitation and Hygiene, pati na rin ng tulong sa nutrisyon at medikal.

Bukas ng 24 oras ang Emergency Operations Center sa kapitolyo.

May naitalang 71 kumpirmadong nasawi, tatlong nawawala at 592 nasugatan.

Ang mga lugar na matinding naapektuhan ay ang Bogo City, Medellin, San Remigio, Daanbantayan, Sogod at Borbon. May mga ulat ng pinsala rin sa mga bayan ng Tabogon, Tabuelan, Tuburan, Bantayan, Sta. Fe, Catmon, Carmen, San Francisco at Madridejos.

May bahagya at matinding pinsala sa mga kalsada at tulay sa Daanbantayan, Tabogon at Borbon.

Malubhang napinsala ang Bogo City Hall, Daanbantayan Municipal Building, at maraming paaralan at simbahan. Libu-libong bahay ang gumuho o bahagyang nasira sa hilagang bahagi ng Cebu.

May mga sinkhole at bitak sa lupa na natagpuan sa Medellin, Borbon at San Remigio.

Naibalik na ang 99 porsiyento ng suplay ng kuryente sa antas ng barangay, habang karamihan sa mga serbisyo ng telekomunikasyon ay gumagana na sa oras ng ulat na ito.

Suspendido pa rin ang operasyon sa mga pantalan ng Hagnaya, Pulangbato at Bantayan habang isinasagawa ang mga safety check.

Suspendido ang face-to-face classes sa lahat ng antas sa hindi bababa sa 10 lokal na pamahalaan sa hilagang bahagi ng lalawigan hanggang sa susunod na abiso. Ang ibang paaralan ay pansamantalang nagsuspinde ng klase kinabukasan ng lindol at nagsimula na ng online classes.

Batay sa datos nitong Linggo ng umaga, nakatanggap na ng in-kind donations na nagkakahalaga ng P7.9 milyon at P66.4 milyon na cash donations.

Patuloy ang pamamahagi ng relief goods sa mga lugar na malapit sa epicenter ng lindol: Bogo, San Remigio, Medellin, Daanbantayan, Sogod, Tabogon at Borbon. Ipinapadala rin ang mga relief packs sa Carnaza Island sa Daanbantayan sa pamamagitan ng Philippine Air Force.

Upang mapabilis at masigurong ligtas ang pagdadala ng mga donasyon, nagbukas ang pamahalaang panlalawigan ng donation hub sa Danao City Boardwalk, kung saan ang mga provincial team ang mangangasiwa sa pagsasaayos at transportasyon ng mga donasyon patungo sa mga apektadong lugar. Philippine News Agency