Calendar
Pagpapaigting ng seguridad sa mga campuses hiniling ni Bing sa DepEd, school administrator
HINIHILING ni Zambales 2nd District Rep. Doris “Nanay Bing” Maniquiz sa Department of Education (DepEd) at sa mga administrator ng mga pribado at pampublikong paaralan na paigtingin ang seguridad sa mga campus.
Sinabi ni Maniquiz na napakahalaga ang pagkakaroon ng regular assessments, mas maayos na access control, emergency preparedness at ang pagpapalakas ng papel ng mga guidance councillor sa iba’t-ibang paaralan sa ating bansa.
Ang inilatag na mungkahi ni Maniquiz ay kasunod ng malagim na trahedyang naganap sa San Jose National High School (SJNHS) sa Tacloban City kung saan nangyari ang pamamaril ng dalawang menor-de-edad na estudyante.
Muling binigyang diin ng Zambales Lady solon na dapat magsilbing “eye opener” ang pangyayari sa SJNHS para sa DepEd at sa mga school administrator para mas higpitan ang seguridad sa mga paraalan upang hindi na masundan pa ang nasabing insidente.
Ayon sa kaniya, hindi dapat kalimutan ang trahedya sa SJNHC sapagkat ang pangyayaring ito ay magsisilbing bangungot at trauma para sa maraming mag-aaral nito na nakasaksi kasama na ang mga naging biktima ng pamamaril.
“Huwag nating hayaan na maging normal ang karahasan. Panatilihin nating zone of peace ang bawat paaralan at silid aralan upang malayang matuto, mangarap at umunlad ang bawat batang Pilipino. Ang pangyayari sa SJNHS. Kailangan ang mas maigting na seguridad sa mga campuses,” wika ni Maniquiz.
Sinusuportahan din ni Nanay Bing ang iminungkahi ng Malakanyang kaugnay sa pagpapatupad ng “total ban” ng cellphone sa mga paaralan para maiwasan ang anomang kaguluhan o Karahasan sa iba’t-ibang paaralan gaya ng nangyari sa SKNHS.
Para kay Maniquiz, tama lamang ang naging direktiba ng isang mayor sa Cebu City matapos nitong ipag-utos ang pagkumpiska sa cellphone ng mga estudyante kung saan ito ay isasauli matapos ang school year sa susunod na taon (2027).
Dahil dito, pinapurihan ng mambabatas ang mayor ng Cebu City dahil sa maganda nitong kautusan para hindi maulit ang pangyayari sa Tacloban City at para matulungan narin ang mga estudyante na mag-pokus lamang sa kanilang pag-aaral.
