Committee

Pagpapalakas sa kapasidad ng Tala hospital binigyang diin ng mambabatas

Mar Rodriguez Sep 16, 2026
141 Views

BINIGYANG-DIIN ni Caloocan Rep. Dean Asistio ang pangangailangang palakasin ang kapasidad at serbisyo ng Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium (Tala Hospital) upang mas matugunan ang pangangailangan sa serbisyong pangkalusugan ng mga residente.

Binigyang-pansin ni Asistio ang pagpapatupad ng batas hinggil sa pagdaragdag ng bed capacity ng ospital, gayundin ang pangangailangan para sa mas maraming doktor at nurse.
Mahalagang magkaroon ng sapat na pasilidad at health care workers upang maserbisyuhan nang maayos ang patuloy na pagdami ng mga pasyenteng nangangailangan ng tulong medikal.
Patuloy umano nitong isusulong ang mga konkretong hakbang upang mapalakas ang kapasidad ng Tala Hospital at mapabuti ang kalidad at access sa serbisyong pangkalusugan para sa mga residente ng distrito.
Binigyang-diin din ng kongresista na ang pagpapalakas sa mga pampublikong ospital ay mahalaga upang matiyak na may maaasahang serbisyong medikal ang mga pamilyang nangangailangan, lalo na ang mga umaasa sa abot-kayang serbisyong pangkalusugan.
“Patuloy nating isusulong ang mga konkretong hakbang upang mapalakas ang kapasidad at serbisyo ng Tala Hospital, at higit na matugunan ang pangangailangan sa serbisyong pangkalusugan ng ating mga Ka-Distrito,” ang pahayag ni Asistio.