Rep. Robert Ace S. Barbers

Pahayag ni VP Sara tungkol sa ₱5K na hitman, nagpapatibay sa kasong pagbabanta

Mar Rodriguez Jul 31, 2026
59 Views

BINIGYANG-DIIN ni House prosecution spokesperson – impeachment adviser at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers na ang naging pahayag ni Vice President Sara Z. Duterte na maaari umanong umupa ng hitman sa halagang ₱5,000 ay lalo pang nagpapatibay sa kasong may kaugnayan sa umano’y pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Ayon kay Barbers, nakababahala ang naturang pahayag dahil ginawa ito matapos iharap ng House prosecution panel ang kanilang mga ebidensya kaugnay ng ikaapat na artikulo ng impeachment na tumatalakay sa umano’y grave threats.

Ang Article IV ng impeachment complaint ay nag-ugat sa livestream ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024, kung saan sinabi umano niyang inutusan niya ang isang tao na patayin ang Pangulo, ang First Lady, at si Romualdez sakaling siya ay mapatay. Ayon sa prosekusyon, ang naturang pahayag ay bumubuo ng grave threats, culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust.

Sa isang press briefing nitong Huwebes, sinabi ni Barbers na ikinababahala niya ang naging pahayag ng Bise Presidente.

“Well, again, with respect, I think the Vice President has a violent mind,” ani Barbers.

Dagdag pa niya: “Siya ay nililitis ngayon dahil sa kasong may kinalaman sa pagbabanta. Ang huling bagay na inaasahan mong gagawin ng isang taong iniimbestigahan dahil sa pagbabanta ay muling magsalita tungkol sa pagbabanta.”

Tinukoy ni Barbers ang naging pahayag ni Duterte sa mga mamamahayag sa labas ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, kung saan sinabi nitong maaari umanong umupa ng hitman sa halagang ₱5,000, bilang bahagi ng kanyang paliwanag na hindi lahat ng pagpatay ay dapat iugnay sa kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.

“Ang tanong ngayon, ito ba ang presyong itinakda ng ating Pangalawang Pangulo noong nagbanta siya laban sa Pangulo at sa kanyang pamilya? Presyo ba ng buhay ng Pangulo ang ₱5,000 lamang?” sabi pa ni Barbers.

“Iyan ba ang eksaktong paraan kung paano niya isinasagawa ang kanyang mga banta laban sa Pangulo at sa kanyang pamilya?” dagdag niya.

Samantala, sinabi rin ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na ang naturang mga pahayag ni Duterte ay nagbubukas ng panibagong mga tanong dahil ginawa ang mga ito kaagad matapos ihayag ng prosekusyon na natapos na nitong ilahad ang ebidensya kaugnay ng kasong grave threats.

“Ayaw ko sanang tanggapin na ang ating Bise Presidente ay mukhang meron siyang mastery pagdating sa patayan sa kalsada,” ani Alonto Adiong.

Dagdag pa niya: “Siya mismo ang naglalahad ng mga detalye. Ang unang itatanong ng ating mga kababayan ay, paano niya nalalaman ang mga ito hanggang sa ganoon kadetalye ang kanyang paglalarawan?”

Ayon kay Alonto Adiong, hindi maaaring balewalain ang tiyempo ng naging pahayag ng Bise Presidente, lalo na habang nagpapatuloy ang impeachment trial laban sa kanya.

To God be the Glory