Parol Litrato ng parol na kasali sa “Recycled Parol Lighting Competition” sa ginanap na Pala-Alay Festival nitong Lunes ng gabi kaugnay ng pagdiriwang ng ika-60 anibersaryo ng pagkakatatag bilang lungsod ng Palayan, ang kabisera ng Nueva Ecija. Kuha ni STEVE GOSUICO

Palay-Alay Festival nagsimula na sa Palayan City

Steve A. Gosuico Dec 3, 2025
477 Views

PALAYAN CITY – Umarangkada nitong Lunes ang nakatakdang limang-araw na kasiyahan mula Disyembre 1 hanggang 5 nitong buwan upang ipagdiwang ang ika-60 anibersaryo ng pagkakatatag ng Kabiserang Lungsod na ito ng Nueva Ecija.

Tinawag ang okasyon bilang “Pala-Alay Festival” o “Pagdiriwang ng Pamana at Pag-unlad” (Festival of Heritage and Progress) ng Lungsod ng Palayan sa anim na dekada.

Pinangunahan ni City Mayor Viandrei Nicole “Vianne” J. Cuevas, Vice Mayor Romaric S. Capinpin at mga hepe ng Nueva Ecija at City Trade and Industry offices ang opisyal na pagbubukas ng mga kiosks at tiangge para sa “Early Christmas Diskwento Caravan” at Kadiwa sa Pangulo sa Plaza Concepcion, Bgy. Ganaderia dito Lunes ng umaga.

“Mura at masasarap ang inyong mabibili dito kaya tara na sa Plaza Concepcion. Atin pong suportahan ang mga negosyong patok at pang-masa,” pahayag ni Mayor Cuevas.

Kasunod nito, sinaksihan din ng alkalde ang exhibition basketball game ng MVC (Mayor Vianne Cuevas) Kids champion, ng Bgy. Sapang Buho versus Team Sakuragi sa Plaza.

Pagsapit ng gabi, nanguna si Mayor Cuevas sa countdown ng ceremonial switch-on ng higanteng Christmas Tree sa City Park na dinaluhan ng libo-libong residente at bisita, kasabay ng magarbong fireworks display sa himpapawid na inabot ng sampung minuto.

Idinaos kasunod nito ang “Recycled Parol Lighting Competition” kung saan 17 parol ang sumali mula sa 17 barangays ng lungsod tampok ang iba’t ibang disenyo at materiales mula sa recycled items, simbolo ng pagkamalikhain at pagkakaisa ng bawat komunidad.

Sa huling gabi ng Biyernes na tinawag na “Kabisera Festival Night” grabeng bongga ang mga palabas sa pag-entrada ng mga sikat na OPM, hiphop singers at rapper artists, katulad nina Dionela, BGYO, HellMerry, Shanti Dope, Gigi De Lana, Six Part Invention, Vice Ganda at comedians Negi at Petite.