PIPDAC

Pangangailangan ng mga katutubo sa OrMin tutugunan

Helen D. Prado Sep 19, 2026
117 Views

PIPDAC1Lungsod ng Calapan OrMin — Tinalakay ng Provincial Indigenous Peoples Development and Advisory Council (PIPDAC) ang mahahalagang usaping higit pang tutugon sa pangangailangan ng mga katutubo sa lalawigan.

Sa isinagawang 3rd Quarterly Meeting ng nasabing konseho, isa-isang isinalaysay ang mga pangunahing isyung kinakaharap ng Indigenous Peoples (IPs) Community upang matugunan ang mga ito, alinsunod sa adhikain ng pamunuan ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor.

Kasabay nito, inilatag ang mahahalagang planong maghahatid ng mas pinaigting na suporta sa nasabing sektor at patuloy na mangangalaga sa kapakanan ng kanilang komunidad.

Kabilang dito ang panukalang pagbuo ng mga resolusyon para sa paghiling na magkaroon ng opisyal na Provincial Task-Force para sa mga katutubo, pagbibigay-prayoridad sa kanilang mga pangangailangan sa Annual Investment Program (AIP), pagsasaayos ng mga polisiya ukol sa ancestral domain, pagbubukas ng mas malawak na oportunidad para sa kanilang edukasyon at paghahanapbuhay, pagsasaayos sa kanilang pinagkukunan ng suplay ng tubig at iba pang mga programang makatutulong sa pagpapabuti ng kanilang pamumuhay.

Tinalakay rin ang mga isasagawang aktibidad para sa gaganaping Mangyan Summit sa darating na Oktubre at maging ang mga hakbang upang makumpleto ang roadmap na magsisilbing gabay upang magkaroon ng mas malalim na pagtukoy sa mga pangunahing serbisyo na lubos na kinakailangan ng IPs.

Sa pamamagitan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), isusulong din ang higit pang pagpapalakas sa kakayahan ng mga katutubong lider pagdating sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, sa pamamagitan ng pagsasanay ukol sa pamamahala.

Itiniyak naman ng iba pang national government agencies, tulad ng Department of Education (DepEd), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), Department of Environment and National Resources (DENR), Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Science and Technology, Mindoro State University (MinSU) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ang patuloy na pagbibigay ng kanilang serbisyo at pakikipagtulungan sa Pamahalaang Panlalawigan upang higit pang maitaguyod ang kapakanan ng mga katutubo.

Nagpakita rin ng suporta ang iba’t ibang non-government organizations tulad ng Mangyan Mission, Mangyan Tribal Churches Association, Pampamayanang Mangyan Ugnayan, Inc. at Stairway Foundation.

Pinangunahan ang pagpapadaloy ng gawain nina PIPDAC Chairperson at Provincial Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) Lagtum Pasag, katuwang si PIPDAC Consultant Myrna Jimenez.

Pinangasiwaan ito ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), sa ilalim ng pamumuno ni PSWD Officer Zarah C. Magboo.

Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan, tulad ng Provincial Health Office (PHO), Provincial Agriculturist’s Office (PAgO), Provincial Engineer’s Office (PEO), Provincial Public Employment Services Office (PPESO) at Provincial Government- Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO).