Calendar
Piloto nakuha muli nawalang singsing
MULING pinatunayan ng mga Security Screening Officers (SSOs) ng Office for Transportation Security (OTS) ang kanilang katapatan at integridad matapos matagumpay na maibalik ang isang puting gintong singsing na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱47,000.
Ang naturang singsing ay aksidenteng naiwan ng isang piloto ng Emirates Airlines na nakatakdang lumipad patungong Dubai sa flight EK338 noong Hulyo 24, 2026 sa Clark International Airport.
Habang nagsasagawa ng tungkulin, natagpuan ni SSO Elezer Capulong ang singsing sa ilalim ng conveyor roller sa X-ray lane. Agad niya itong iniulat kay Checkpoint Supervisor SSO Leopoldo Catacutan, na humiling ng tulong mula sa mga awtoridad ng paliparan upang matukoy ang may-ari sa pamamagitan ng CCTV. Matapos makilala ang piloto, matagumpay na naibalik sa kanya ang singsing. Lubos niyang ipinahayag ang pasasalamat sa buong OTS team sa kanilang katapatan at maagap na aksyon.
Binigyang-diin ni OTS Administrator Usec. Gilberto DC Cruz na ang pagbabalik ng mga naiwan o nawalang gamit ay malinaw na patunay ng mataas na pamantayan ng serbisyo publiko sa ahensya. “Ang mga ganitong pagkakataon ang tunay na pagsubok sa karakter ng ating mga frontliners. Sa serbisyo publiko, bawat kilos ay may halaga. Ito ay patunay na nananatiling tapat ang OTS sa pangakong integridad, kaakibat ng pangunahing tungkulin sa seguridad ng transportasyon,” ani Usec. Cruz.
Ang gawaing ito ng katapatan ay sumusuporta sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa higit na transparency, honesty, at accountability sa lahat ng ahensya ng pamahalaan.
