FBI

PRO 4A, FBI, PNP-ACG palalakasin seguridad laban sa cybercrime

40 Views

FBIFBI2

KAMPO VICENTE LIM, Calamba City–Tinanggap noong Martes ng Police Regional Office 4A (PRO 4A) ang mga kinatawan ng Federal Bureau of Investigation (FBI) at PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) para palakasin ang pambansa at pandaigdigang pakikipagtulungan laban sa seguridad.

Pinangunahan nina Deputy Regional Director for Administration PBGen Glenn Lonogan at Deputy Regional Director for Operations PCol. Mario Mayames kasama ang Command Group at Regional Staff ang pagtanggap kina FBI Special Agents Edgar Nuñez at Ada Bennett.

Binuksan din ang tatlong araw na seminar-workshop sa paghawak ng mga kaso ng Nihilistic Violent Extremism (NVE) na kinasasangkutan ng mga menor de edad.

Nilahukan ang pagsasanay ng mga pulis-imbestigador, PCR personnel, training officers at mga social worker upang mapataas ang kakayahan sa pagprotekta sa mga kabataan.

Ayon sa PRO 4A, ang hakbang na ito ay bahagi ng pagsusulong ng B.E.S.T. Policing Framework (Be Visible, Engage Immediately, Serve Together, and Transform Trust) upang paigtingin ang pagbabahagi ng kaalaman at aksyon laban sa mga bagong anyo ng banta sa seguridad.

Ang inisyatiba ay nakatugon din sa Focused Agenda ni PGen Jose Melencio Nartatez Jr. sa ilalim ng programang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”