Madrona

Rep. Madrona: Suportahan operasyon ng airline sa Romblon

Mar Rodriguez Aug 16, 2026
165 Views

HINIHIMOK ni Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, tourism stakeholders at mga mamamayan na suportahan ang operasyon ng Sunlight Air sa kanilang lalawigan.

Nakita ng kongresista ang suporta ng provincial government kabilang na ang mga alkalde at iba pang tourism stakeholders matapos talakayin ang pagbabalik ng commercial flights ng airline sa Romblon.

Ipinaliwanag ni Madrona na hindi lamang ang pagbabalik ng commercial flights ng Sunlight Air ang mahalaga kundi ang pagpapanatili ng operasyon nito sa pamamagitan ng suporta ng buong lalawigan.

“The more important thing is, how can we sustain this. Nandito kayo lahat, magtulungan tayo. Ipakita at ipaabot natin sa ating mga mamamayan na pagtulungan nating suportahan ang Sunlight Air,” sabi ng kongresista.

Bilang chairperson ng Tourism Committee, ikinagalak din ni Madrona na malaking tulong ang direktang air connectivity sa pagpapalakas ng turismo sa Romblon partikular sa mga hotel, tourism destinations at iba pang lokal na negosyo.

Makikinabang din ang mga national government agencies at iba pang organisasyon dahil magiging mas mabilis at maginhawa ang pagpunta sa lalawigan, aniya.

Naniniwala si Madrona na ang pagbabalik ng regular na flights ay maaaring magsilbing dagdag na tulak sa pag-unlad ng ekonomiya at turismo ng Romblon.