Malasakit Nag-thumbs up sina San Antonio Mayor Dra. Angelita Salonga-Esquivel (6th from left), mga department officials, mga pulis at bumbero sa paghahatid ng Malasakit Caravan sa Brgy. Lawang Kupang noong Huwebes.

San Antonio inarangkadahan ng 4th Malasakit Caravan

Steve A. Gosuico Feb 28, 2026
160 Views

SAN ANTONIO, Nueva Ecija–Umarangkada sa Brgy. Lawang Kupang noong Huwebes ang 4th series ng Malasakit Caravan na programa ng pamahalaang bayan na naglalayong ilapit ang lahat ng tulong at serbisyo para sa mamamayan.

Mahigit 400 na residente ng barangay ang nakinabang sa programa na dinaluhan ni Mayor Dra. Angelita “Gege” Salonga-Esquivel.

Kaisa sa nasabing programa ang buong Sangguniang Bayan ng San Antonio, Nueva Ecija, Lawang Kupang Farmers ARB Cooperative sa pangunguna ni Eric Sta. Ana.

Nagkaroon ng mass feeding, libreng gupit, libreng hilot, libreng gamot at check-up, x-ray at libreng pasipsip ng poso negro ang programa.

Nagkaloob din ng certificates of live birth si Mayor Esquivel sa mga aplikante nito.

Nakatuwang din sa programa ang KASIPAG Micro Financing Inc. at ang municipal public employment service office para sa job-hiring at micro-loan services, kasama ang Department of Trade and Industry.

Lilipat sa Brgy. Luyos sa Marso ang caravan. Nauna nang natapos sa mga barangay ng Buliran, Cama Juan at Julo ang Malasakit Caravan.