Sarangani Sanga: Bida ng Sarangani.

Sarangani namayani laban sa Bataan

Robert Andaya Aug 12, 2022
284 Views

SUMANDAL ang Sarangani Marlins sa mainit na mga kamay ni Paul Sanga upang pabagsakin ang Bataan Risers, 92-80, sa OKbet-Maharlika Pilipinas Basketball League 4th Season na itinataguyod ng Xtreme sa San Jose Del Monte Sports Complex sa Bulacan.

Umiskor si Sanga ng game-high 21 puntos, kabilang ang limang triples, upang pangunahan ang magilis na atake ng Marlins laban sa Risers.

Ang 6-4 na si Sanga, na napiling “Best Player of the Game”, ay nag-ambag din ng nine rebounds.

Nagpasiklab din sina Donald Gumaru, Gabby Espinas, Tricky Peromingan at Macky Acosta para sa Marlins, na kumawala tungo sa 83-60 kalamanggan bago masungkit ang ika-apat na dikit na panalo.

Sa kabuuan, ang Marlins ay may tangang 9-2 win-loss record sa single round-robin elimination phase ng 22-team tournament.

Si Gumaru ay may 16 puntos at siyam na assists, si Espinas ay may 11 puntos at anim na assists, Peromingan ay may10 puntos at pitong rebounds at si Acosta ay may 10 puntos at apat na rebounds para sa Marlins, na nanalo kahit wala sina Kyt Jimenez at Yvan Ludovice.

Namuno si Arvie Bringas sa kanyang double-double na 17 puntos at 16 rebounds para sa Risers, na bumagsak sa 7-4 kartada.

Ang top gun ng Bataan na si James Darwin Castro ay nalimitahan sa 14 puntos.