Atienza

Serbisyong pangkalusugan inilatag sa Maynila

Edd Reyes Jun 23, 2026
143 Views

INILATAG ng Maynila ang mga programang magpapalawak ng pangangalagang pangkalusugan upang matugunan ang lumalaking bilang ng mga pasyente sa mga pampublikong pagamutan ng siyudad.

Sinabi ni Vice Mayor Chi Atienza na binabalangkas na ni Mayor Isko Moreno ang pagtatatag ng mga Super Health Center upang hindi na magsiksikan sa mga pampublikong ospital ang mga pasyenteng nangangailangan ng serbisyong medikal.

Katuwang ng alkalde ang Sangguniang Panlungsod na kanyang pinamumunuan na pondohan ang pagbili ng mga advanced diagnostics at medical equipment sa mga health center.

Sisikapin ng Maynila makapaglaan ng pondo sa mga kinakailangang kagamitan tulad ng X-ray machines, MRI units at iba pang diagnostic equipment.

Ang inuuna muna nila ay ang paglalaan ng pondo para sa paglikha ng plantilla positions para sa mga healthcare personnel na maitatalaga sa mga itatatag na super health centers.

Mababale-wala lang ang serbisyo ng mga health center kung walang mga healthcare personnel na maitatalaga kaya’t mahalagang sila muna ang unahing mapaglaanan ng kaukulang pondo.