Dolor

Sports and youth summit sa OrMin tagumpay, maraming goals

Helen D. Prado Aug 29, 2026
151 Views

Dolor1CALAPAN CITY–Tagumpay ang Oriental Mindoro Sports and Youth Summit na naglalayong palakasin ang ugnayan ng iba’t-ibang sektor para sa pagpapaunlad ng sports sa mga atletang Mindoreño.

Tinalakay sa summit ang mga hakbang para sa pag-unlad ng sports sa lalawigan.

Kabilang sa tinalakay ang paghubog ng mga atleta, pagpapalakas ng mga sports programs at pagbibigay ng suporta sa mga kabataan.

Inilahad ni Gob. Humerlito Dolor ang kalagayan ng sports development sa Oriental Mindoro at ang iba’t-ibang programang ipinatutupad ng pamahalaang panlalawigan.

Binigyang-diin ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairperson John Patrick Gregorio ang programang isinusulong ng PSC na nakatuon sa Grassroots to Gold, from Gold to Greatness.

Ibinahagi niya na ang tamang paghubog ng isang future Olympian ay dapat magsimula sa edad na 10 hanggang 14 na taong gulang.

Masuwerte ang Oriental Mindoro dahil sa suporta ng mga lokal na lider sa pangunguna ni Gob. Bonz at Bise Gobernador Antonio Perez Jr. sa sports.

Inihayag ang planong pagpapatayo ng P50 milyong football field sa Oriental Mindoro sports complex at ang pagtatatag ng archery range bilang suporta ng PSC sa Oriental Mindoro.

Tinalakay rin ang mahahalagang usapin hinggil sa sports development, kabilang ang athlete-centered coaching, paggamit ng social media para sa sports promotion, standards at best practices sa sports reporting, high-performance sports program at sports psychology para sa higit na pag-unlad ng performance at kapakanan ng mga atleta.

Lumahok ang mga kinatawan mula sa mga lokal na pamahalaan, sports officials, Sangguniang Kabataan Federation Presidents, teacher-coaches mula sa Department of Education (DepEd), mga kolehiyo at unibersidad, sports associations, organizations, clubs, athletes at coaches.

Higit na maisusulong ang pagtutulungan ng pamahalaang panlalawigan, PSC at iba’t- ibang sports community tungo sa isang mas organisado at sustainable na sports development, ayon sa lalawigan.