Fake

2 babae tiklo sa pangingikil; 1 suspek nagpanggap na hepe ng pulis

206 Views

LIPA CITY, Batangas — Arestado noong Huwebes ang dalawang babae dahil sa pangingikil at pagpapanggap na hepe ng pulisya sa convenience store sa Bigben Complex, Brgy. Mataas na Lupa sa lungsod na ito.

Nasa kulungan na sina alyas Marjorie, 32; at Kaye, 28, dahil sa kasong robbery with intimidation, ayon kay PCol. Oliver Ebora, director ng Batangas police.

Nag-ugat ang pag-aresto sa dalawa dahil sa reklamo ng 50-anyos na negosyante.

Ayon sa biktima, dati na siyang nagbigay ng P100,000 sa mga suspek pero muling nanghingi ng P110,000 upang “maayos” diumano ang isang kaso ng panggagahasa na isinampa laban sa kanya.

Upang takutin ang biktima, nagpadala ang mga suspek ng pekeng subpoena mula sa Lipa Prosecutor’s Office.

Nagpadala rin sila ng mensahe at nagpapanggap ang isa na si PLt. Col. Aleli Buaquen, ang hepe ng Lipa City police, para kumbinsihin ang biktima na makipag-areglo.

Matapos maberipika na gawa-gawa lamang ang kaso at ang dokumento, ikinasa ng mga pulis ng Lipa City ang entrapment at dinakip ang dalawa matapos tanggapin ang marked money mula sa biktima.

Narekober sa mga suspek ang 20 P1,000 bill, isang kasunduan sa pagbabayad at cellphone na ginamit sa transaksyon.

Inihahanda na ang mga kaukulang dokumento para sa pormal na demanda laban sa mga suspek sa Lipa City Prosecutor’s Office.