Calendar
Tulong sa mga tao sa Botolan, Cabangan bumuhos
NAGSIMULA na ang pamamahagi ng tulong sa mga apektado ng tuluy-tuloy na pag-ulan sa Botolan at Cabangan, Zambales, ayon kay Zambales Rep. Doris “Nanay Bing” Maniquiz.
Isinagawa ang relief operations sa pakikipagtulungan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang matulungan ang mga pamilyang nangangailangan.
Sinabi ni Maniquiz na agad ding nakipag-ugnayan ang kanilang grupo sa mga punong barangay, Philippine Army, Botolan police at Botolan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang mapabilis ang pagtukoy at pag-abot sa mga residenteng nangangailangan ng tulong.
Kabilang sa ipinamahaging ayuda ang mga food packs para sa mga lumikas ng tirahan at nakararanas ng hirap dahil sa masamang panahon.
Ipinahayag pa ng lady solon na magpapatuloy ang relief operations at monitoring sa mga bayan at barangay na maaaring mangailangan ng agarang tugon at serbisyo.
Binigyang-diin din ni Maniquiz ang kahalagahan ng pagtutulungan ng lokal at pambansang pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan ng mga komunidad habang patuloy ang pag-ulan.
Nanawagan si Nanay Bing sa mga Zambaleño at iba pang Pilipino na patuloy na manalangin para sa kaligtasan ng mga apektadong pamilya at sa pagbuti ng panahon.
“Walang maiiwan sa ating serbisyo, kalinga, malasakit at pagmamahal,” mensahe ni Nanay Bing.

