Calendar
Wala pang 20 nasa listahan sa paghanting sa assassin
PINALIIT na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa wala pang 20 katao ang listahan ng persons of interest sa paghahanap sa taong umano’y kinausap upang patayin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag sa impeachment court nitong Miyerkules na may mga pangalan na ang bureau at nakausap na ang mga kamag-anak o kakilala ng ilan sa mga taong kanilang sinusuri.
“We are narrowing it down already to less than 20 individuals at may mga pangalan na po kami nito. Sa katunayan po, yung iba po rito, kausap na po namin ang kanilang mga pamilya o kakilala,” pahayag ni Matibag.
Sinabi niyang maaaring abutin pa ng tatlo hanggang anim na buwan bago matukoy ng NBI ang taong umano’y kinausap ni Vice President Sara Duterte.
“That’s why sinabi ko baka in 3 to 6 months, we can finally identify kung sino yung personalidad na yan po,” dagdag niya.
Lumabas ang detalye matapos tanungin si Matibag kung nakatuon na ang imbestigasyon sa pagkilala sa taong umano’y kinontrata, sa halip na alamin kung mayroon nga bang ganoong tao.
Sinabi ni Matibag na inunawa ng NBI ang mga pampublikong pahayag ng Bise Presidente bilang indikasyong may nakausap siyang pumayag sa sinasabing plano.
Wala pang pormal na natukoy na personalidad sa pagdinig.
Ipinaliwanag ni Matibag na gumamit ang NBI ng open-source intelligence, human intelligence, informants at iba pang paraan ng imbestigasyon upang paliitin ang listahan.
“We’re using informants. May mga sinusundan po tayo,” sabi niya.
Ayon kay Matibag, nagsimula ang mga imbestigador sa mas maraming pangalan bago ito unti-unting lumiit sa pamamagitan ng validation at elimination.
Sinabi rin niyang hindi lamang umano’y mga miyembro ng Davao Death Squad ang kanilang sinusuri.
“We are not limiting it to the double-dead squad. Sabi ko nga po meron mga aktibo sa servisyo na men in uniforms at kasama rin dito ang VP Sara Security Group po,” pahayag ni Matibag.
Hindi niya pinangalanan ang alinman sa mga personalidad o nagharap sa pagdinig ng ebidensyang direktang nag-uugnay sa isang partikular na tao sa umano’y plano.
Sinabi ni Matibag na patuloy na itinuturing ng NBI na seryoso at aktibo ang sinasabing banta dahil hindi pa natutukoy ang taong umano’y kinausap.
“Because hindi po natin nakukuha, sigurado po tayo may kinausap at pumayag, subalit ang pagkakakilanlan ng taong kinausap ay hindi pa rin natin nakukuha. So ibig sabihin ang threat na ito sa Pangulo is a continuing and active threat and serious,” aniya.
Kinuwestiyon naman ng depensa kung paano sinuri ng NBI ang ilang dokumento at open-source material na ginamit sa assessment.
Nilinaw ng presiding officer na ang dokumentong iniuugnay kay Arturo Lascañas ay ginamit lamang bilang bahagi ng open-source investigation ng NBI.
Hindi ito tinanggap bilang patunay na authentic ang dokumento o totoo ang nilalaman nito.
Patuloy na dinidinig ng impeachment court ang mga alegasyong kaugnay ng mga pahayag na iniuugnay sa Bise Presidente tungkol sa Pangulo, First Lady Liza Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.
Wala pang pinal na pagkakakilanlan, reklamong inihain o warrant na ipinakita laban sa alinman sa wala pang 20 persons of interest na binanggit ng NBI.
