Calendar
FB POST NG ST. CHRISTOPHER ACADEMY OF NUEVA ECIJA, INC. SA BIKTIMA
17-anyos nangisda sa ilog, nalunod


LICAB, Nueva Ecija – Trahedya ang sinapit ng isang 17-anyos na mag-aaral nang malunod ito habang kasama ang kapuwa niya kabataan na namimingwit ng isda at nanghuhuli ng dagang bukid sa isang ilog dito nitong Miyerkules ng hapon.
Kinilala ang nasawing biktima na si Arvin Ramos Libertad, Grade 12 student ng St. Christopher Academy, Inc. of Nueva Ecija (SCAI-NE) sa Bgy. Poblacion Sur ng bayang ito.
Nangyari ang insidente dakong 12:01 ng tanghali habang binabaha ang lugar at mataas ang tubig sa kailugan sakop ng Bgy. Aquino dulot ng Habagat at Bagyong Luis at Maymay.
Tumalon umano ang biktima sa tubigan at pagdaka’y hindi na lumutang, ayon sa panayam ng People’s Tonight kay PMSg Relly Boy G. Ordonio.
“Natagpuan ang biktima na nakasalalak sa ilalim ng tubig ng mga responders ng Nueva Ecija Provincial Disaster Risk Reduction Management Office dakong alas kuwatro ng hapon,” dagdag ni Ordonio.
Samantala, sa Facebook post ng SCAI-NE, ipinabatid nito ang kanilang taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng nasawing estudyante.
“Gone far too soon, our dear Grade 12 student. Your dreams may have been left unfinished, but the memories you shared will forever remain in our hearts.
Rest peacefully, Arvin. You will be deeply missed and never forgotten,” saad ng paaralan.

