PCSO

34-anyos na misis nanalo ng P401.1M jackpot prize

Arlene Rivera Aug 10, 2022
186 Views

ISANG 34-anyos na ginang ang kumubra ng P401.186 milyong jackpot prize ng Grand Lotto 6/55 noong Hulyo 9.

Ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kinuha ng nanalo ang kanyang premyo 16 na araw matapos ang bola.

“Mas nauna po yung kaba at takot ko po kesa sa tuwa dahil naisip ko yung kaligtasan namin mag-asawa kaya po inabot ng 2 weeks bago kami nag-desisyon na kuhanin ang napanalunan naming premyo. For our safety na din po,” sabi ng nanalo.

Ang ginang ay tumaya ng P20 sa lucky pick o ang lotto machine ang pumili ng kanyang mga numero. Ang winning number combination ay 02-18-49-07-19-47.

“Sabi po ng asawa ko try ko daw po tumaya ng isa lang na lucky pick para maiba naman, kung swerte ka talaga mananalo ka kahit LP,” sabi ng nanalo.

May anim na taon na umano itong tumataya ng lotto.

Plano umano ng nanalo na magtayo ng kanyang sariling negosyo at magbigay ng donasyon sa simbahan at mga charity institutions.

“Bilang pasasalamat po sa Diyos dahil sa biyayang ipinagkaloob niya, magbibigay po ako sa aming simbahan at mag-donate din po ako sa mga charity centers and foundations na tumutulong sa mga kapos-palad,” dagdag pa nito.

Ang premyo na mahigit P10,000 ay pinapatawan ng 20 porsyentong buwis sa ilalim ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.