Calendar
366 na pulis ipinadala ng BPPO sa Maynila para tiyakin seguridad sa 54th anniversary ng ML declaration


KAMPO HENERAL MALVAR–Nagpadala ng 366 na pulis ang Batangas Police Provincial Office (BPPO) sa Metro Manila noong Linggo bilang paghahanda sa seguridad sa paggunita ng ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng martial law.
Pinangunahan ni BPPO director PCol. Oliver Ebora ang accounting at inspeksyon sa BPPO upang masiguro ang kahandaan ng mga ipinadalang Civil Disturbance Management (CDM) contingent at support personnel.
Ang puwersa ay binuo ng 350 CDM personnel, 4 na security, 7 administrative support, 1 drone operator at 4 na driver.
Nagbabala si Ebora sa mga pulis na pairalin ang “maximum tolerance” at tamang paghuhusga sa publiko.
“Manatiling alerto, disiplinado, at sundin ang mga operational protocol at human rights standards,” direktiba ni Ebora sa mga tauhan.
Tiniyak ng BPPO na handa at nakatutok ang kanilang hanay sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaligtasan ng publiko sa kabila ng inaasahang mga kilos-protesta.

