Aster

Hiniling ni Tulfo agarang danyos sa mga biktima ng sunog sa M/V June Aster

102 Views

HINIMOK ni Sen. Erwin Tulfo ang pamahalaan na magbigay ng danyos sa mga biktima ng sunog sa M/V June Aster at hiniling din niya sa Philippine Coast Guard at Maritime Industry Authority na paspasan ang imbestigasyon sa operator ng ferry.

Ayon sa datos ng coast guard, 77 katao na ang nakumpirmang nasawi at 12 ang nawawala at 43 sa 132 na sumakay sa barko ang nakaligtas.

Dumudulog sa kanyang opisina ang mga pamilya at survivor dahil wala umanong tumutulong sa kanila mula sa Atienza Interisland Ferries Inc., ang operator ng ferry.

“Hindi po parcel ang labi ng kanilang pamilya! Puno ng pangarap yung mga kababayan natin na lumayag mula sa Baseco port, tapos ay mamamatay, mato-trauma, at papabayaan lang? Kawalan ng hustisya ito!” sabi ni Tulfo.

Ayon sa mga nagdadalamhating pamilya, pinauwi umano sila at pinaghintay na lang ng labi. Sinabi naman ng mga survivor na pinabayaan sila ng operator, ayon kay Tulfo.

May utos na pabilisin ang insurance claims at may itinayo ng help desk sa Coron, ngunit sinabi ni Tulfo na hindi pa rin ito sapat sa naramdaman ng mga pamilyang dumudulog sa kanya.

Hiniling niya sa Coast Guard at sa Marina na paspasan ang imbestigasyon at panagutin nang buo ang kumpanya.

“Ano ba talaga ang nangyari sa ferry na iyon? May mga inilagay ba doon na peligrosong kargamento? At bakit sa mga nakikitang video ng mga survivor, parang walang emergency protocols na sinunod noong sumiklab ang sunog?” tanong ni Tulfo.

Umalis ang passenger-cargo ferry sa Baseco port sa Maynila noong gabi ng 8 Setyembre patungong Coron. Sumiklab ang sunog kinabukasan ding gabi malapit sa Barangay Marcilla. Patuloy ang imbestigasyon sa sanhi.

Dadalhin ni Tulfo ang usapin sa Senado para sa hustisya at reporma sa sistema.