Calendar
5-hectare limit sa pagbebenta, transfer ng lupa tinanggal na–DAR
IDINEPENSA ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang draft administrative order na nilagdaan noong Enero 2026 na nag-aalis sa approval power nito sa transfer o benta ng ilang private agricultural land, sa gitna ng pagtutol ng mga grupo ng magsasaka.
Ipinaliwanag ito ni Atty. Napoleon Galit, Undersecretary for Legal Affairs ng DAR, matapos tanungin tungkol sa isang opinyon ng Department of Justice (DOJ Opinion No. 16) na nagdulot umano ng takot sa ilang grupo ng magsasaka.
Ayon kay Galit, itinigil na ng DAR ang pagsakop ng bagong private agricultural land simula Hunyo 30, 2014, matapos mag-expire ang coverage period sa ilalim ng Republic Act 9700, ang batas na nag-amyenda sa orihinal na Comprehensive Agrarian Reform Law (RA 6657).
Dahil dito, ayon sa kanya, naging functus officio na — Latin para sa “wala nang bisa o saysay” — ang Section 6 ng RA 6657, ang probisyong naglilimita sa retention ng landowner sa 5 ektarya.
Ang legal na teoryang ito ang batayan ng unnumbered na administrative order na nilagdaan ni DAR Secretary Conrado Estrella III noong Enero 27, 2026 na mag-aalis sana ng requirement na kailangan munang aprubahan ng DAR ang transfer o benta ng private agricultural land na hindi pa na-cover ng notice of acquisition bago ang June 30, 2014 deadline.
Humiling ang Magsasaka Party-List at Federation of Free Farmers ng pagbawi sa draft order nang malaman ito noong Pebrero na nagbababala na maaaring maapektuhan nito ang humigit-kumulang 1.2 milyong agrarian reform beneficiaries (ARBs) na nagsasaka ng 1.8 milyong ektarya ng lupain.
Iginiit ni Galit na kung wala nang epekto ang limitasyon sa mga malalaking may-ari, dapat ding mabigyan ng katumbas na benepisyo ang mga ARB.
Nangyari ang pagtalakay na ito habang hinihiling ng DAR ang P14.69 bilyon budget para sa 2027.
