Calendar
Screen grab mula Phivolcs video
539 namonitor ng Phivolcs sa Mayon Volcano
NAKAPAGTALA ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology nitong Lunes ng 539 volcanic earthquakes, ang pinakamataas na bilang mula nang magsimula ang pinakahuling pag-aalburoto ng Mayon Volcano noong Enero 6.
Sa monitoring ng PHIVOLCS, nananatili sa Alert Level 3 ang bulkan na nangangahulugang mataas ang antas ng aktibidad at posible ang biglaang pagbuga ng lava at iba pang mapanganib na pagputok.
Ayon sa PHIVOLCS patuloy ang pagdaloy ng lava sa ilang bahagi ng bulkan, kabilang ang Basud gully na umabot sa 3.8 kilometro, Bonga gully na 3.2 kilometro, at Mi-isi gully na 1.3 kilometro.
Bukod dito, naitala rin ang 290 rockfall events at pitong pyroclastic density current signals o makapal na uson na maaaring bumaba mula sa dalisdis ng bulkan.
Iniulat din na umabot sa 1,220 tonelada kada araw ang sulfur dioxide emission, habang ang usok o plume mula sa bunganga ng bulkan ay umabot sa 200 metro ang taas at tinangay ng hangin patungong kanluran.
Napansin din ng mga eksperto ang pamamaga o ground deformation ng bulkan, indikasyon na may patuloy na pag-akyat ng magma sa loob nito.
Dahil dito, muling nagbabala ang PHIVOLCS sa publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone dahil sa banta ng lava flow, pagbagsak ng bato, pyroclastic flow at pagbuga ng abo.

