Payapa, ayos, ligtas na Undas

Edd Reyes Oct 30, 2026
22 Views

HANDANG-handa na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para Undas 2026 na layong matiyak ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko na dadagsa sa mga sementeryo.

Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3 ay isasailalim sa Full Alert Status ang NCRPO, kasama ang buong Philippine National Police (PNP), upang matiyak ang tuloy-tuloy na presensya ng mahigit 13,000 pulis na itatalaga nila sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila para seguridad, at agarang pagtugon sa anumang insidente sa buong panahon ng Undas.

“Our people can go home and visit their departed loved ones with peace of mind. The NCRPO is 101 percent ready, and our personnel will be where the public needs us most,” pahayag ni BGen. Abrahano.

Bahagi rin ng paghahanda ang pag-aatas sa mga mga District Director, Chief of Police at Station Commanders na paigtingin ang pagpapatrolya at pagpapakita ng presensya ng mga pulis sa mga sementeryo, memorial park, transportasyon hub, pangunahing lansangan, komersiyal na lugar, at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng publiko.

Paiigtingin din ng kapulisan ang seguridad at pamamahala sa trapiko, pagtatalaga ng mga police assistance desk at help booth sa mga estratihikong lugar, pati na rin ang kampanya laban sa pagnanakaw, panghoholdap, pandurukot, panloloko, at iba pang krimeng sinasamantala ang pagkakataon, lalo na sa mga mataong lugar.

Pinaalalahanan naman ang publiko na manatiling mapagmatyag sa pamamagitan ng pag-iingat sa mga personal na gamit, pag-iwas sa pagpapakita ng mahahalagang ari-arian, pagtiyak na nakikita at nababantayan ang mga bata at matatandang kapamilya, pagsunod sa mga regulasyon sa trapiko at sementeryo, at agarang pagre- uulat sa pinakamalapit na pulis ng mga kahina-hinalang tao, aktibidad, o mga bagay na walang nagmamay-ari.