Enverga1

DA hinimok kumpletuhin agad kinakailangan ng DBM para mapabilis paglabas ng P14B funds vs super El Nino

Mar Rodriguez Nov 7, 2026
42 Views

HINIMOK ni House Committee on Agriculture and Food Chairman at Quezon Rep. Mark Enverga ang Department of Agriculture (DA) na kumpletuhin agad ang mga kinakailangan ng Department of Budget and Management (DBM) upang mapabilis ang pagpapalabas ng P14 bilyong pondo para sa paghahanda sa super El Niño.

Ayon kay Enverga, tiniyak na ng DBM sa mga mambabatas na nakahanda at available ang naturang pondo at maaari itong ilabas sa sandaling makumpleto ng DA ang mga kinakailangang dokumento at iba pang kondisyon.

“Meron pa silang P14 billion na unreleased. Sabi ng DBM, okay naman daw. They’re ready to release the fund as long as the DA complies with the requirements of the DBM,” pahayag ni Enverga.

Ang P14 bilyon ay bahagi ng natitirang hindi pa inilabas na pondo mula sa kabuuang P61.99-bilyong 2026 El Niño Action Plan na nakalaan para pondohan ang mga hakbang na nagpoprotekta sa mga magsasaka at sektor ng agrikultura laban sa matagal na tagtuyot.

“Ang preparations para po dito sa super El Niño na kinakaharap natin, mahalaga na dapat gawin na ngayon,” aniya.

Nilinaw din ni Enverga na ang natitirang P14 bilyon ay kasama na sa kabuuang P61.99-bilyong alokasyon at hindi isang karagdagang kahilingan para sa bagong pondo.

Samantala, ipinaliwanag ni Enverga na ang panukalang 2027 national budget ay magsisilbing karugtong ng mga programang panghanda na sinimulan na ngayong taon upang matiyak na magpapatuloy ang mga interbensiyon ng pamahalaan.

“So yung next year, yun lang po ang magtutulay doon sa atin pong nasimulan na mga preparations for the Super El Niño,” ayon sa mambabatas.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng mga programa ng pamahalaan, partikular ang mga hakbang na naglalayong protektahan ang produksyon ng pagkain at kabuhayan ng mga magsasakang higit na naapektuhan ng matagal na tagtuyot.