Kamara1

Speaker Romualdez: Kamara susunod sa polisiya ng Marcos admin sa isyu ng ICC probe

Mar Rodriguez Nov 25, 2023
166 Views

SUSUNOD ang Kamara de Representantes sa anomang magiging polisiya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Ganito ang paniniyak ni Speaker Romualdez nang tanungin sa isang ambush interview kaugnay sa sinabi ni Pangulong Marcos na pinag-aaralan kung babalik ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

“We will take it as is. We will follow, we will follow the policies,” ani Romualdez sa sideline ng 31st Asia-Pacific Parliamentary Forum (APPF31) nitong Biyernes sa PICC, Pasay City.

Muling sinabi ni Speaker Romualdez na pagpapahayag lamang ng saloobin ng mga kongresista ang tatlong resolusyon na inihain kaugnay sa panawagan sa pamahalaan na payagan ang mga imbestigador ng ICC na siyasatin ang madugong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“But what you heard is just the sense of some of the congressmen. We will still deliberate (House resolutions) on that,” dagdag pa ng lider ng Kamara na mayroong 300 kongresista.

Kamakailan ay nagsagawa ng pagdinig ang House committees on justice at human rights kaugnay ng mga resolusyon.

Ipinagpaliban ang pagdinig upang ipatawag ang mga ahensya ng gobyerno at mga biktima ng war on drugs campaign.