Lacson

Panawagan ni Ping: Agarang aksyon sa courtesy resignations

30 Views

NANAWAGAN si Senator-elect Panfilo “Ping” Lacson kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na agarang magpasya ukol sa mga natitirang courtesy resignations ng ilang miyembro ng Gabinete,para sa mga puwestong hindi pa bakante.

Sa isang pahayag sa social media noong Mayo 28, sinabi ni Lacson: “The President should act quickly on the pending courtesy resignations. The season for jockeying for positions has intensified with the usual circulation of ‘white papers’ and floating of names of ‘applicants’ to fill up some still ‘unvacated posts.’” ani Lacson.

Dagdag pa niya, “uncertainty often leads to inefficiency and divisiveness in the ranks.”

Matatandaang humiling si Pangulong Marcos ng courtesy resignations mula sa mga opisyal ng Gabinete bilang bahagi ng masusing pagsusuri at reorganisasyon sa hanay ng pamahalaan.

Sa ngayon, dalawang pagbibitiw pa lamang ang opisyal na tinanggap—kay Ambassador Antonio Lagdameo, Permanenteng Kinatawan ng Pilipinas sa United Nations, at kay Environment Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga.

Bukod dito, nananatili pa rin sa kani-kanilang posisyon ang ilang opisyal habang may ilan na muling itinalaga. Ilang posisyon naman ang kasalukuyang isinasailalim sa deliberasyon.

Binigyang-diin ni Lacson na ang pagkaantala sa mga desisyong ito ay maaaring magdulot ng kalituhan at pagkakawatak-watak sa loob ng ehekutibong sangay ng gobyerno.

Giit niya, mahalaga ang mabilis at malinaw na aksyon upang mapanatili ang kaayusan at katatagan ng pamahalaan.