Calendar
Pag access sa online gambling putol, walang adik na bubukol
NAIS ni Senadora Risa Hontiveros na putulin ang madaliang access sa online gambling sa pamamagitan ng pagbabawal nito sa mga e-wallet at super apps.
“Phones are not casinos. Naging masyadong madali ang malulong sa sugal dahil napaka-accessible nito sa mga e-wallets at super apps,” babala ni Hontiveros. Aniya, maraming Pilipino ang nabaon sa utang at may ilan pang nawalan ng buhay dahil sa digital na pagka-adik. “Para sa iba, buhay ang naging kapalit, dahil isang pindot lang ang kailangan,” dagdag pa niya.
Sa panukalang Senate Bill No. [XX], layon ng batas na ipagbawal ang paggamit ng mobile wallets at super apps para sa online betting. Bawal din sa mga may edad 21 pababa ang makilahok, at tututukan ang pagtanggal ng gambling ads sa publiko, midya, at social media.
Iminumungkahi rin ang mga limitasyon sa gastos—arawan, lingguhan, at buwanan—na ipapatupad ng PAGCOR. Awtomatikong masususpinde ng 30 araw ang account ng sinumang lalampas sa takdang limitasyon.
Bukod dito, ipapataw ang hindi bababa sa 10% buwis sa kita ng mga online gambling platform. Gagamitin ang pondo sa rehabilitasyon ng mga nalulong, edukasyon ng publiko, pagpapatupad ng batas, at pananaliksik para sa mga patakaran.
“Dahil walang limitasyon ngayon sa pagsusugal, ang nangyayari tuloy ay unli-sugal na madalas humantong sa unli-lustay. Unli-utang at unli-problema din ang hatid nito… kaya dapat bigyan ng hangganan ang pag-gasta,” giit ni Hontiveros.
Hinimok din niya ang Senado na magkaisa para tuldukan ang problema. “I hope that my colleagues in the Senate will unite against the scourge of online gambling and heed the call of the public to tighten its regulations.”

