Calendar
File photo ni JONJON C. REYES
Kilay tumaas sa pondo sa proyekto kontra baha
NAGBABALA si Senador Panfilo “Ping” Lacson laban sa umano’y alokasyon ng pondo sa panukalang P5.8 trilyong national budget para sa 2026, at nangakong patuloy niyang babantayan ang kaban ng bayan—kahit pa kabilang siya sa minorya sa Senado.
“Hindi ko iiwanan ang aking tungkulin lalo na sa pagbantay ng national budget,” ani Lacson sa panayam ng True FM, sabay giit na ang kanyang adbokasiya para sa transparency ay higit pa sa partidong kinabibilangan.
Ayon sa kanya, may barangay sa Oriental Mindoro na nakatanggap ng P1.9 bilyon para sa flood control, habang isang maliit na bayan sa parehong lalawigan ay binigyan umano ng P10 bilyon. Ang mga lugar na ito ay naapektuhan ng Severe Tropical Storm Crising at habagat, ngunit tila labis ang pondo kumpara sa kanilang laki.
“Sa akin tama na ang put them on notice may nakikialam na may nag-aaral na may nakukuhang datos na tatanungin kayo,” babala niya, sabay pahayag ng layuning kwestyunin ang mga responsable sa mga pagdinig sa badyet.
Matagal nang kilala si Lacson sa pagbubunyag ng mga isyung may kaugnayan sa pondo ng bayan. Ilan sa mga nauna niyang binusisi ay ang sobra-sobrang pondo sa “Tulong Dunong” program at ang hindi nagamit na right-of-way funds sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bukod sa pagbabantay, iminungkahi rin ni Lacson na bigyang-lugar ang mga civil society group sa mga deliberasyon sa badyet, kabilang sa bicameral conference committee.
“It’s about time magising tayong lahat, bantayin natin ang ating national budget kasi ito ang lifeline ng ating ekonomiya if not the country itself,” ani Lacson.
Dagdag pa niya, taon-taon ay may bilyong halaga ng pondo ang hindi nagagamit—na sana’y inilaan sa mga proyektong makakatulong sa kabuhayan at imprastruktura. Ngunit sa halip, nananatiling malabo ang sistema: “Ang magkausap lang congressman at contractor niya. O kausap niya sarili niya kasi contractor siya.”
Sa huli, iginiit ni Lacson ang kahalagahan ng mas matibay na public accountability upang mapanatiling malinis at makatarungan ang paggastos sa pondo ng bayan.

