Kulong Himas rehas ang suspek matapos i-turn over ng mga barangay tanod sa Manila Police District Station 7, makaraang ireklamo ng biktima na “nagsarili” ang suspek sa harap nito sa Tondo, Manila.

Kelot pinaglaruan sarili sa harap ng babae, himas rehas!

Jon-jon Reyes Sep 1, 2025
265 Views

ARESTADO ang isang 44-anyos na lalaki ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Jose Abad Santos Station 7 matapos ireklamo ng biktima sa kalaswaang ginagawa nito noong Linggo ng tanghali sa Tondo, Manila.

Nakilala ang naarestong suspek na si alyas “Raffy” na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act, na mas kilala bilang Anti-Bastos Law.

Ayon sa report ng pulisya, bandang alas-10:30 ng umaga nang arestuhin ang suspek.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na habang naghuhugas ng pinggan ang biktima, nakita niya ang suspek na “nagsasarili” habang nakatitig sa kanya.

Agad na nagsumbong ang biktima sa kanyang ama at humingi sila ng tulong sa mga opisyal ng barangay. Inimbitahan ng mga opisyal ang suspek sa barangay hall.

Kasunod nito, mga bandang alas-11 ng gabi ng Agosto 31 ay dinala na ng pulisya ang suspek sa Women and Children Protection Section ng istasyon para sa imbestigasyon at tamang disposisyon.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Anti-Bastos Law ang naarestong suspek sa City of Manila Prosecutor’s Office.