Calendar
Rider nag-counterflow, binaril sa QC
PINAGHAHANAP ng pulisya ang dalawang nakamotorsiklong suspek na bumaril sa 30-anyos na rider matapos umanong magtalo dahil sa pag-counterflow nito sa Quezon City gabi ng Linggo.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 8:30 ng gabi ng Agosto 31 nang maganap ang pamamaril sa harapan ng Mercury Drug Store sa Quirino Highway, kanto ng Salazar Drive, Barangay Balon Bato, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon nina P/SSg. Raymark Paligutan at P/SSg. Erwin Jay Mendez, nasa barangay outpost sa Quirino Highway kanto ng English Street ang dalawang tanod nang makarinig ng dalawang putok ng baril.
Agad silang rumesponde at nang makita ang biktima na nakahandusay sa lupa ay isinugod nila ito sakay ng Ambulance QC 141 sa Quezon City General Hospital, subalit idineklara itong dead on arrival ng doktor dahil sa hypovolemic shock.
Sa pagsusuri ng mga awtoridad sa CCTV footage, nakunan nito ang biktima habang sakay ng kanyang motorsiklo, at nag-counterflow sa kahabaan ng Quirino Highway.
Nang makasalubong niya ang dalawang suspek na sakay din ng kani-kanilang motorsiklo ay nagkaroon ang mga ito ng mainitang pagtatalo.
Dahil dito, bumaba ang biktima sa kanyang motorsiklo subalit agad siyang pinaputukan ng isa sa mga suspek.
Tinangka pang tumakbo ng biktima patungo sa Salazar Drive kung saan siya tuluyang bumagsak.
Nasamsam sa crime scene ng Scene of the Crime Operations team mula sa QCPD Forensic Unit, sa pangunguna ni P/CMS Federico Manzano, ang isang basyo ng bala ng kalibre 45.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente kung may kinalaman ito road rage.

