LTO

LTO pinatawag may-ari ng Montero na sangkot sa viral dirty finger video

Jun I Legaspi Sep 1, 2025
269 Views

SA utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na panagutin ang mga pasaway na motorista, ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO), sa patnubay ni Acting Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. Lopez, ang rehistradong may-ari ng isang sports utility vehicle (SUV) na nakuhanan sa isang viral video kung saan ang drayber nito ay nag-“dirty finger” sa kapwa motorista.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, nabigyan na ng show cause order ang may-ari ng naturang sasakyan upang malaman kung siya nga ba ang nagmamaneho noong mangyari ang insidente.

Ang rehistradong may-ari, na taga-Quezon City, ay hindi pa natitiyak kung siya rin ang aktwal na sangkot sa viral video ng road rage.

Sa naturang video na kumalat sa Facebook, makikita ang SUV na nag-counterflow sa solid double yellow lane. Nagalit ang drayber matapos maharangan ang kanyang daan ng isa pang motorista.

Makikita rin ang mainit na komprontasyon at ang pag-“dirty finger” ng drayber sa kapwa motorista.

Nagbanta pa ang drayber ng SUV na bababa ng sasakyan upang komprontahin ang kapwa motorista.

Ayon kay Asec. Mendoza, nakilala ng LTO ang may-ari ng SUV matapos makita ang plaka nito sa viral na video.

“Batay sa beripikasyon mula sa database ng LTO, huling nairehistro ang naturang sasakyan noong Pebrero 22, 2022 at simula noon ay hindi na ito na-renew, na malinaw na paglabag sa compulsory registration requirement sa ilalim ng Section 5 ng Republic Act No. 4136,” ani Asec. Mendoza.

Sa SCO na nilagdaan ni LTO Intelligence and Investigation Division Chief Renante Melitante, pinagsusumite ng paliwanag ang rehistradong may-ari kung bakit hindi siya dapat maparusahan dahil sa expired na rehistro ng sasakyan, reckless driving, disregarding traffic signs, obstruction of traffic at pagiging improper person to operate a motor vehicle.

Dagdag ni Melitante, isinailalim na rin sa alarm ang naturang SUV, isang Mitsubishi Montero.

Kapag natukoy na ang pagkakakilanlan ng aktwal na drayber, sinabi ni Asec. Mendoza na agad itong sususpindehin ng 90 araw ang kanyang driver’s license.