Calendar
Obrero ginawang ka-live in dalagita, 15; biktima nasagip
NAILIGTAS ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) ang 15-anyos na dalagita sa kamay ng construction worker sa loob ng isang construction site sa Taguig City.
Inaresto kaagad ng pulisya ang suspek habang matagumpay na nailigtas nina MDSW Director Jay Dela Fuente ang biktimang si alyas “Little” na pinatira at ginawang live-in partner ng constrution worker sa tinutuluyan nilang barracks sa loob ng construction site.
Ayon kay Dela Fuente, nagtungo sa kanilang tanggapan sina Kagawad Zenaida Flores, Marichu Sieja at Cherilynn Alejo ng Barangay 598, Zone 59 sa Damka Street, Old Sta Mesa noong Nobyembre 20, upang ipabatid ang nakarating sa kanilang impormasyon na isang construction site sa Taguig City dinala ng suspek ang batang babae na residente sa kanilang lugar.
Nang malaman ni Manila Mayor Francisco Domagoso ang sitwasyon, binigyan niya ng pahintulot si Dela Fuente na makipag-ugnayan sa Taguig City Police upang makatulong sa pag-rescue sa menor de-edad na bata sa lugar na pinagdalhan sa kanya ng suspek.
Kinasuhan na ng Taguig police ang suspek habang nagpasalamat naman ang mga opisyal ng Brgy. 598 kay Dela Fuente nang bumisitang muli sa Central Office ng MDSW Lunes ng hapon.

