Laguna

Free lab tests sa Laguna starting Jan ’26

Gil Aman Nov 28, 2025
488 Views

SIMULA na ang libreng laboratory tests para sa mamamayan ng Laguna sa Enero 2026, ayon kay Gov. Sol Aragones.

Layunin ng free lab tests na palawakin ang pagkuha ng preventive diagnostics, lalo na sa mga nakatira sa malalayong lugar at hirap sa gastusin.

Bago ihayag ang programa, tiniyak niyang sinuri at kinumpirma ng mga doktor ng probinsya ang lahat ng detalye ng free lab tests.

Kabilang sa mga libreng pagsusuri ang Fasting Blood Sugar, Lipid Profile, Serum Creatinine, Uric Acid, SGPT/ALT, Electrolytes (Sodium at Potassium), Complete Blood Count (CBC) at Urinalysis.

Aminado ang gobernador na matagal nang hinihintay ng maraming residente ang ganitong tulong, lalo na ang mga nais magpa-laboratory ngunit hirap bumiyahe o wala talagang sapat na pera.

Upang maging malinaw ang proseso, maglalabas ang pamahalaang panlalawigan ng step-by-step na gabay sa Facebook.

Ilalagay dito ang paraan ng pagpunta sa testing at ang listahan ng mga partner hospitals sa bawat distrito na tutulong sa pagpapatupad ng programa.

Pinili ang mga ospital na malapit sa mga komunidad upang makatipid sa biyahe at maging mas magaan ang pagpunta ng mga tao para magpa-laboratory exam.

Ibinahagi rin ni Gov. Aragones ang pagtatapos ng pamamahagi ng libreng face mask sa lahat ng district hospitals.

Sa pagpapatuloy ng ganitong mga hakbang, ipinapakita ng pamahalaang panlalawigan ang pangako nitong gawing mas malusog, mas abot kamay, at mas patas ang kalusugan para sa bawat Lagunense.