Airport

OTS chief nag-inspect sa Clark airport

Jun I Legaspi Dec 5, 2025
395 Views

NAG-inspect si Office for Transportation Security (OTS) Administrator Gilberto Cruz sa Clark International Airport noong Biyernes upang matukoy ang mga hamon sa seguridad na maaaring kaharapin ng mga security screening officers.

Sinuri ni Undersecretary Cruz ang proseso ng passenger screening at ang kahandaan ng mga pasilidad ng paliparan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na tiyakin ang komportable, ligtas at maaasahang biyahe sa lahat ng Pilipino.

Layunin din ng inspection na matiyak na ang mga screening checkpoint sa paliparan ay ganap na handa at may sapat na kagamitan upang tugunan ang inaasahang pagdagsa ng mga biyahero.

“Ang aming layunin ay garantisadong ligtas, maayos, at walang aberyang karanasan sa biyahe para sa bawat pasahero ngayong holiday season,” sabi ni Usec. Cruz.

Tiniyak ng OTS sa publiko ang pangako nito na mapanatili ang ligtas at episyenteng kapaligiran sa seguridad sa lahat ng paliparan sa bansa.

Pinapayuhan din ang publiko na maglaan ng sapat na oras para sa mga pre-departure procedures at sumunod sa mga proseso ng security screening upang maging maayos at walang aberya ang kanilang holiday travel experience.