DHSUD

Discount sa water bill ng low income beneficiaries meron na

Jun I Legaspi Dec 7, 2025
253 Views

PUMIRMA ng Memorandum of Understanding (MOU) ang Social Housing Finance Corporation (SHFC), attached agency ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), at ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System–Regulatory Office (MWSS-RO) para sa diskuwento sa water bill ng mga low-income beneficiaries.

Layunin ng kasunduan na maisama ang mga benepisyaryo ng SHFC sa Enhanced Lifeline Program (ELP), isang programang suportado ng pamahalaan na nagbibigay ng diskuwento sa singil sa tubig para sa mga kwalipikadong low-income consumers.

“Isa na namang patunay sa patuloy na pagsusumikap ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. patungo sa mas may dignidad na pamumuhay para sa ating mga kababayang higit na nangangailangan,” ani DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling.

Nilagdaan ang MOU noong Disyembre 5 sa Makati nina SHFC President at CEO Federico Laxa at MWSS RO Chief Regulator Atty. Patrick Lester Ty na nagpapakita ng dedikasyon ng dalawang ahensya sa pag-angat ng mga maralitang komunidad sa loob ng East Zone (Manila Water) at West Zone (Maynilad) concession areas.

Pinatitibay din ng kasunduan ang mandato ng SHFC na matiyak na ang mga benepisyaryo ng Enhanced Community Mortgage Program at iba pang housing initiatives sa ilalim ng Expanded 4PH ay hindi lamang nabibigyan ng disenteng tirahan kundi pati ng mga pangunahing serbisyo na mahalaga para sa marangal na pamumuhay—simula sa abot-kayang at maaasahang tubig.

Sa ilalim ng ELP, makakakuha ng diskuwento sa Basic Charge ng water bill ang mga kwalipikadong low-income households na kumukonsumo ng 20 cubic meters o mas mababa kada buwan.

Kamakailan, inanunsyo rin ng DHSUD ang nakatakdang pamamahagi ngayong buwan ng Certificates of Entitlement (COEs) bilang maagang pamasko para sa mga benepisyaryo sa ilalim ng Presidential Proclamations—na magwawakas sa kanilang dekada-dekadang paghihintay para sa seguridad sa paninirahan.