BBM

Speaker Dy tiniyak mahigpit na pagbabantay sa Badyet ng Bayan

228 Views

PINURI ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III noong Lunes ang pagpapatibay ng 2026 General Appropriations Act (GAA) bilang isang tunay na “Badyet ng Bayan,” kasabay ng kanyang paninindigan na magsasagawa ang Kongreso ng mahigpit na pagbabantay upang matiyak na ang pondo ng publiko ay magagamit nang naaayon sa batas, mahusay, at walang katiwalian.

Ginawa ng lider ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang pahayag matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang batas ang ₱6.793-trilyong pambansang badyet sa isang seremonya sa Malacañang.

“Ang paglagda sa badyet ay hindi ang katapusan ng aming trabaho. Simula pa lang ito. Ito ang simula ng pagbabantay. Sisiguruhin ng Kongreso na ang bawat piso ay magagastos nang eksakto ayon sa inaprubahan,” ani Dy.

Inilarawan niya ang 2026 GAA bilang isang inklusibo, malinaw, at may pananagutang badyet na inuuna ang kapakanan ng mamamayang Pilipino, at sinabing repleksiyon ito ng pangako ng administrasyon na tiyaking direktang tinutugunan ng pondo ng bayan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga mamamayan.

“Ito ang Badyet ng Bayan. Isa itong badyet na bukas, may pananagutan, at nakatuon sa pagpapabuti ng buhay—paglikha ng trabaho, pagpapalakas ng edukasyon, pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan, at pagtitiyak ng seguridad sa pagkain,” ani Dy.

“Ipinapakita nito ang malinaw na direksiyon ng Pangulo na ang pondo ng bayan ay dapat gamitin nang responsable at maramdaman ng taumbayan.”

Binanggit ni Dy na ang badyet para sa 2026 ay naghahatid ng kongkretong benepisyo sa mahahalagang sektor panlipunan, kabilang ang malalaking pamumuhunan sa edukasyon, serbisyong pangkalusugan, at proteksiyong panlipunan, habang pinananatili ang disiplina sa pananalapi upang manatiling matatag ang pananalaping pambansa.

Binigyang-diin din niya na ang 2026 GAA ay nagpakilala ng mga reporma at mahahalagang hakbang na hindi pa kailanman naipatupad sa proseso ng pagbabadyet, na nagsisilbing panibagong yugto sa kung paano tinatalakay at inaaprubahan ang pondo ng bayan.

Sa kauna-unahang pagkakataon, ang mga deliberasyon ng bicameral conference committee ay isinapubliko sa pamamagitan ng livestream, na nagbigay-daan sa publiko na masaksihan ang mga talakayan sa badyet sa aktuwal na oras. Pinalitan din ang tradisyonal na maliit na komite ng Budget Amendments Review Subcommittee (BARSC) upang matiyak na ang lahat ng amyenda ay sinusuri nang sama-sama, malinaw, at ganap na naitatala.

“Binuksan ng mga repormang ito ang proseso ng badyet sa mata ng publiko. Ang bawat hakbang at bawat piso ay maaari nang ipaliwanag at ipagtanggol sa harap ng sambayanang Pilipino.”

Ipinunto ni Dy na ang edukasyon ang nasa puso ng Badyet ng Bayan, at binigyang-diin na ang 2026 GAA ang may pinakamataas na alokasyon para sa edukasyon sa kasaysayan ng Pilipinas na umaabot sa ₱1.34 trilyon. Ito rin ang unang pagkakataon na nalampasan ng bansa ang 4 porsiyentong pandaigdigang pamantayan sa gastusin para sa edukasyon.

Muli rin niyang iginiit na sa unang pagkakataon mula nang maipasa noong 2017, ang programang Universal Access to Quality Tertiary Education ay ganap nang mapopondohan, na makikinabang ang 2.4 milyong estudyante sa mahigit 100 state universities and colleges sa buong bansa.

Ayon sa mambabatas mula Isabela, “ang makasaysayang halagang inilaan para sa edukasyon ay isang pamumuhunan sa kabataang Pilipino—isang pamumuhunan sa kinabukasan ng sambayanang Pilipino.”

Makakatanggap din ng malaking dagdag na suporta ang pampublikong kalusugan sa 2026 GAA, kung saan ang kabuuang pondo para sa sektor ng kalusugan ay umabot sa rekord na ₱448.12 bilyon upang palawakin ang benepisyo ng PhilHealth at ganap na masuportahan ang zero-balance billing para sa mga maralitang pasyente sa mga pampublikong ospital.

Sinabi ng Speaker na makikipagtulungan ang Kongreso sa Sangay Ehekutibo upang matiyak ang maayos at napapanahong pagpapatupad ng badyet, habang mahigpit na ginagampanan ang tungkuling konstitusyonal nito sa pagbabantay.

“Walang puwang ang katiwalian. Walang tagas, walang lusot, at walang dahilan. Ang pera ng bayan ay dapat magamit para sa taumbayan,” mariin niyang sinabi.

Kasama ni Dy ang Pangulo sa entablado sa seremonya ng paglagda, kasama ang mga pinuno ng Kamara. Naroon sina Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, Deputy Speaker Kristine Singson-Meehan, Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos III, Minority Leader Marcelino Libanan, Appropriations Committee Chair Mikaela Angela Suansing, at Senior Appropriations Vice Chairperson Albert Garcia.

Dumalo rin sa entablado sina Senate President Vicente “Tito” Sotto III, mga Senador Sherwin Gatchalian at Loren Legarda, gayundin ang mga kasapi ng Gabinete kabilang sina Executive Secretary Ralph Recto, Budget Secretary Rolando Toledo, Finance Secretary Frederick Go, at Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan.