PNP

Kahalagahan ng matapang, etikal na pagkilos ng pulisya idiniin

175 Views

ANG Batangas Police Provincial Office (BPPO) sa ilalim ng pamumuno ni PCOL Geovanny E. Sibalo, Acting Provincial Director, ay nagsagawa ng seremonya ng pagtaas ng bandila kasabay ng pagdiriwang ng ika-32 PNP Ethics Day na may temang “Integridad at Disiplina, Pundasyon ng Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman, Tungo sa Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas” noong Enero 5, 2026, na ginanap sa Camp Gen Miguel C Malvar, Batangas City.

Ang seremonya ay pinangunahan ni Atty. Michael M Arada, District Public Attorney ng Rosario Office, Batangas, na nagsilbing guest of honor at speaker. Isang Thanksgiving Mass ang isinagawa sa BPPO Chapel na pinangunahan ni Father Gerald I Macalinao, Priest In-Charge, BPPO.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Atty. Arada ang bigat ng sagisag ng pulisya at ang kahalagahan ng matapang at etikal na pagkilos.

“Sa matatapang na kalalakihan at kababaihan ng Batangas PNP, ang inyong uniporme ay simbolo ng inyong awtoridad, ngunit ang inyong karakter ang inyong tunay na lakas,” ani Arada.

Si PLTCol. Angelito Guardian, Deputy Provincial Director for Administration, ang nanguna sa pagbibigay ng parangal sa mga karapat-dapat na tauhan ng BPPO na sina PLTCol. Ira MorelloI – Batangas CCPS, PLTCol. Crispin Banes – San Juan Municipal Police Station (MPS), PMAJ Mickglo Marinas – Taal MPS, PEMS Paulino A Eje-Batangas – CCPS, PMSg Rodolfo R. Dimaculangan Jr. – San Juan MPS, at PCpl Zyfre G Dela Peña – Taal MPS.

Si PCPT Ralph Aliling , Acting Deputy Provincial Superintendent, ang nanguna sa mass recital kasama sa pagbigkas ng 6-point Ethical Policing Guide. Binanggit niya rin ang sinabi ni PLtGen. Jose Melencio C. Nartatez, Acting Chief, PNP, na “Every police officer must be an embodiment of accountability and professionalism.”

Bilang bahagi ng pagbabagong etikal, isang seminar sa anti-graft and corrupt practices, ethical leadership, at values formation ang isinagawa ni PMAJ Yolanda N. Baccay, provincial legal officer.

Ang taunang pagdiriwang ng PNP Ethics Day ay nananatiling mahalagang haligi sa pagtuturo ng disiplina at propesyonalismo sa mga kalalakihan at kababaihan ng Batangas PPO, at tinitiyak na mananatili silang matatag sa kanilang tungkulin na maglingkod at magprotekta nang may integridad.